Pinapatiyak ni Senator Sonny Angara sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) na magiging mabilis at maayos ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga driver sa pampublikong transportasyon gayundin para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi ito ni Angara, makaraang i-release na ng Department of Budget and Management (DBM) ang ₱3 bilyong pondo para sa fuel subsidy sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
₱2.5 billion dito ay para sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers at ₱500 million naman ang para sa sektor ng agrikultura.
Giit ni Angara sa DOTr at DA, dapat handa at maayos na ang listahan ng mga benepisaryo para walang maging problema sa pamamahagi ng tulong.
Punto ni Angara, ilang beses ng namahagi ng ayuda ang gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic kaya dapat ay plantsado na ang mekanismo o patakaran pagdating dito.
Ayon kay Angara, matindi na ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa buhay ng mga tsuper, magsasaka at mangingisda.
Paliwang ni Angara, kung matatagalan ang pagtanggap nila ng fuel subsidy ay tiyak papatong na sa presyo ng mga bilihin ang gastos sa pagbyahe ng mga produktong pang-agrikultura at isda.