Naging maganda ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) nitong nagdaang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Jose Luigi Bautista, Presidente ng NLEX Corp., dahil sa maayos at maagap na paghahanda, hindi nangyari ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko noong holiday season.
Nabatid na dahil sa panuntunan ng organisasyon na nagpapatupad sa isang operasyon na palaging bukas sa tinatawag na ‘continuous improvement’, ang daloy ng trapiko sa NLEX at SCTEX mula Disyembre 18, 2020 hanggang Enero 4, 2021 ay naging mabilis at maayos.
Batay sa report, ang trapiko sa NLEX at SCTEX ay umabot sa kabuuang 323,000 bawat araw, partikular sa panahon ng tinatawag na Christmas rush.
Pero agad itong inaksyonan ng pamunuan ng NLEX kung saan ilan sa mga ipinatupad nilang hakbang ay ang pag-dagdag ng isang libong tauhan sa mga toll plaza, na handang tumugon sa mga pangangailangan ng mga motorista para hindi humaba ang pila ng mga sasakyan.
Sa interview ng RMN Manila, maging ang traffic management advocate na si Alberto Suansing ay pinuri ang mga ginawang hakbang ng pamunuan ng NLEX para matugunan ang maayos at magandang daloy ng trapiko, partikular na ang pagpapatupad ng cashless transaction sa mga toll plaza.