Friday, November 6, 2026

Maayos na distribusyon ng pondo sa mga ipagagawang silid-aralan, iginiit ng isang senador

Pinag-aaralan ng Senado ang distribusyon ng pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.

Tinukoy ni Senator Pia Cayetano na batay sa EDCOM II, higit sa kalahati ng mga LGUs na may matitinding kakulangan sa classroom ang hindi nakakatanggap ng pondo para sa dagdag na silid-aralan sa ilalim ng 2026 budget.

Gayunman, ipinunto ni Cayetano na ang kakulangan sa classroom ay hindi lang problema ng mga mahihirap at malalayong komunidad.

Sinabi ng senadora na maging sa mga syudad ay hirap na mapagkasya sa mga classroom ang mataas na bilang ng mga estudyante.

Habang nire-review ng Mataas na Kapulungan ang 2027 national budget, sisilipin nila kung paanong hinahati ang classroom funds partikular kung saan ito mas kailangan, ilang mga estudyante ang inaasahang mag-e-enroll, at aling komunidad ang mas mangangailangan ng silid-aralan sa mga susunod na taon.

Tinukoy ni Cayetano na bagama’t siyam sa sampung first-class LGUs ang nakakatanggap ng pondo, kalahati lang ng 5th class LGUs ang mayroong classroom funds.

Facebook Comments