Friday, November 6, 2026

Dating SC associate justice, naniniwalang ang panukalang Writ of Qui Tam ang siyang susi para matigil ang katiwalian sa gobyerno

Naniniwala si Supreme Court Retired Associate Justice Adolfo Azcuna na ang panukalang Writ of Qui Tam ay malaking tulong bilang panlaban sa nagaganap na korapsyon sa pamahalaan.

Ang Writ of Qui Tam ay isang uri ng kasong sibil kung saan ang isang pribadong mamamayan na tinatawag na whistleblower ay pinahihintulutang maghain ng demanda sa ngalan ng pamahalaan laban sa mga indibidwal o kumpanyang nagkasala ng pandaraya o pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Sa Kapihan sa Manila Hotel, ipinaliwanag ni Azcuna na ang isinusulong na panukala ang magiging daan upang agad na mapanagot ang mga sangkot sa nangyayaring korapsyon sa pamahalaan.

Aniya, paraan din ito upang mabilis na mabawi ang ninakaw o nawalang pondo. Pero sinabi ni Azcuna na dapat munang magbigay ng abiso sa Department of Justice (DOJ) ang pribadong mamamayang may dalang ebidensya ng korapsyon.

Matapos nito, bibigyan ang DOJ ng hanggang 60 araw upang kumilos at magsampa ng kaso. Kung hindi aaksyon ang gobyerno sa takdang panahon, maaaring ituloy ng pribadong mamamayan ang demanda sa korte.

Giit ni Azcuna, sa pamamagitan ng Writ of Qui Tam ay siguradong mapapanagot ang mga kawatan sa gobyerno, gayundin ang mga kasabwat nito. Mababawasan o kahit papaano ay matitigil ang korapsyon sa pamahalaan, kaya umaasa siya na maisasabatas na ang panukala sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments