Inaasahan ng Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) na mapananatili ng administrasyong Marcos ang mababang total crime volume at index crime sa Pilipinas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya na mula kasi naupo bilang presidente si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay nagawa niyang mapababa sa 50% ang index crime sa bansa.
Batay sa Philippine National Police o PNP, maituturing na index crime ang murder, homicide, physical injuries, rape, crime against property tulad ng robbery, theft, carnapping at pagnanakaw ng malalaking hayop tulad ng kabayo, kalabaw at baka.
Ayon pa kay Malaya, sana aniya maipagpatuloy din ng Marcos administration ang kampanya laban sa iligal na droga hanggang sa lahat ng barangay sa bansa ay maideklarang drug free na.
Sa ngayon, sinabi ni Malaya na nasa higit 24,000 na mga barangay sa buong bansa ang drug free.
Dagdag pa ni Malaya, epektibo rin ang Emergency 911 Hotline kung saan nagawa nilang agad marespondehan ang 99.4% na tawag na nanghihingi ng tulong sa panahon ng sakuna mula sa halos 320,000 na mga tawag.
Giit pa ni Malaya, kailangan din na maituloy ang modernisasyon sa PNP, Bureau of Fire Protection o BFP at Bureau of Jail Management and Penology o BJMP.
Mahalaga aniya para sa epektibong pagganap sa kanilang mga tungkulin ang mga karagdagang kagamitan tulad ng mga sasakyan para sa mga nag-iikot na mga pulis, fire trucks at stations at district jails.
Matatandaan, itinalaga ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Benhur Abalos Jr. bilang bagong kalihim ng DILG.