Dismayado si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa mababang bilang ng mga senior citizen na nabakunahan ng booster shot sa katatapos na National COVID-19 Vaccination Days.
Puna ni Ordanes, karamihan sa mga nabigyan ng booster vaccine nitong November 29 hanggang December 4 ay mga empleyado, young adults at mga teenagers habang kakaunti naman ang mga senior citizens na kabilang sa A2 priority group ang nabakunahan ng COVID-19 booster shot.
Aabot lamang aniya sa 150,000 na mga matatanda ang nakapagpa-booster shot.
Sobrang dismayado rin ang kongresista dahil mula nang magsimula ang bakunahan noong March hanggang ngayong December 4 ay aabot pa lamang sa 5.2 million seniors ang fully vaccinated, 4.74 million pa ang walang second dose at higit 1 million pa ang wala kahit na first dose.
Malayo aniya ito sa target na halos sampung milyong nakatatanda sa bansa na dapat fully-vaccinated na.
Karamihan pa aniya sa mga seniors na bigo pang mabakunahan ng COVID-19 vaccines ay sa labas ng Metro Manila.
Sa palagay ni Ordanes, mayroong pagkukulang sa “ground” partikular sa diskarte ng National Task Force (NTF), Inter-Agency Task Force (IATF) at mga Local Government Unit (LGU) kaya nakalimutan sa bakunahan ang mga senior citizen.
Paalala ng grupo, ngayong magpa-Pasko na nauuso nanaman ang mga reunion ay patuloy na nanganganib ang mga nakatatanda, lalo na ang mga hindi pa bakunado, gayundin sa banta ng bagong variant nito gaya ng Omicron.