Handang padagdagan ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III ang ayuda sa presyo ng palay bukod pa sa P4.00 na ipinatong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa buying price ng NFA sa kada kilo.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, handa anya ang Gobernador na dagdagan ang ayuda sa presyo ng palay kung talagang kinakailangan dahil sa posibleng magiging epekto ng Rice Tarrification Law sa mga lokal na magsasaka.
Ito ay may kaugnayan sa mga hinaing ng mga magsasaka dahil sa mababang presyo ng palay maging sa produktong mais dito sa Lalawigan ng Isabela.
Nangangamba rin ang ilan sa mga magsasaka sa magiging epekto ng naturang batas dahil sa posibilidad na babaha ng imported na bigas sa mga pamilihan na pabor sa mga consumers subalit malulugi naman umano ang mga magsasaka dahil sa posibleng bababa rin ang presyo ng kanilang mga produktong palay.
Ayon pa kay Ginoong Santos, makikipagpulong si Gov. Bojie Dy III sa mga kinauukulang opisyales ng pamahalaan upang hingin ang pagpapahintulot na kung maaari ay dagdagan pa ang ayuda sa presyo ng palay upang maalalayan at makabawi ang mga maaapektuhang magsasaka.
Magugunita na ipinaliwanag ni Cong. Jose “Bentot” Panganiban Jr., ANAC-IP Partylist Representative sa naging panayam ng RMN Cauayan na mananatili pa rin sa pagbili ng mga palay ang NFA lalo na sa mga lokal na magsasaka upang matutukan ang kanilang mga produktong palay at mapanatili ang mga buffer Stock nito.