Mababang trato sa manggagawa, pangunahing dahilan ng pag-aalisan ng mga skilled workers sa bansa – TUCP

Manila, Philippines – Mababang pasahod, kakarampot na benepisyo at hindi ligtas na pook pagawaan.

Ito ang mga totoong dahilan kung bakit nagkukulang ng mga skilled workers sa bansa.

Ito ang inihayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kasunod ng sinabi ni Pangulong Duterte na bahagyang maaantala ang pagtapos ng P8 trillion infrastructure projects ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build Program dulot ng shortage ng mga construction workers.


Ayon kau TUCP President Raymond Mendoza, mabilis na nauubos ang reserba ng construction manpower ng bansa dahil mas mapang-akit ang oportunidad sa ibang bansa.

Aniya, ilangbuwan matapos na sumailalim sa training at makakuha ng actual field experience, nangingibang bansa na agad ang mga skilled workers dahil mas may nakikita silang dignidad sila roon.

Nagpabilis aniya sa “brain drain” phenomenon ang pagbibingi-bingihan ng gobyerno at mga kapitalista sa patuloy na panawagan ng mga manggagawa sa mataas na pasahod.

Ayon pa sa TUCP, isa pa sa dahilan ng problema ay ang kawalan ng access ng mga skilled workers sa certification.

Batay sa datos, mula sa tatlong milyong construction workers sa buong bansa, nasa isang milyon lamang ang nabigyan ng certification mula sa mga training institutions.

Dagdag ni Mendoza, hindi pinahalagahan ng gobyerno ang potensyal na ito.

Huli na nang mapansin nila na nasayang ang mga construction manpower na ito para sa Build, Build, Build Program nito.

Facebook Comments