Pinuna ng Senado ang mababang rate ng budget utilization sa scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa pagdining ng Senate Finance Committee sa budget ng TESDA sa 2023, nilinaw ni TESDA Planning Office Executive Director Charlyn Justimbaste na ang pinakamababang budget utilization rate ay noon lamang 2020 na may 5.25% dahil naapektuhan ng COVID-19 pandemic noon ang pagsasara ng mga klase.
Sa daang libong mga scholars ay nasa 39,700 lamang ang nakapagsanay at naka-enroll sa mga trainings ng TESDA noong 2020.
Pero, sinita naman ni Senator Cynthia Villar kung gaano kaposible na mula sa period na hanggang September 2020 ay nasa 5.25% lang ang nagamit na pondo ng TESDA para sa scholarship program nito at pagsapit ng October hanggang December 2020 ay tumaas bigla ang budget utilization rate sa 80%.
Maging si Senator Loren Legarda ay napuna ang budget utilization rate ng TESDA noong 2021 kung saan hanggang sa buwan ng September 30 ay 28% ang nagamit na pondo at ang galing aniya na sa nalalabing tatlong buwan ay na-obligate agad ang natitirang 72%.
Ipinagtataka ng mga senador kung bakit sa loob ng 9 na buwan ay mababa ang ulitization rate at sa natitirang tatlong buwan ay mabilis naman nagamit at naubos ang inilaang pondo.
Paliwanag naman ni TESDA Financial Management Service executive director Magdalena Butad na posible ito dahil mayroon silang implementation plan na nakahanda na sa katapusan ng bawat taon.