Binusisi sa Senado ang mabagal na pag-iisyu ng Philippine Identification System o PhilSys ID card.
Sa pagtalakay sa P9.7 billion proposed budget ng Philippine Statistics Authority (PSA), unang nasita ni Senator Francis Tolentino ang paninisi ng ahensya sa mataas na volume ng registration ng PhilSys ID kaya nagkaroon ng delay sa pag-iisyu nito.
Natanong naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang PSA tungkol sa magkakahalong reviews patungkol sa issuance ng national ID kung saan may iba na dalawang buwan pa lang ay naisyuhan na agad ng PhilSys ID habang may ilan na dalawang taon nang naghihintay pero wala pa ring natatanggap na ID.
Tugon naman ng PSA sa pamamagitan ni Finance Committee Chairman Sonny Angara, sinisiguro nila ang demographic at biometric data tulad ng fingerprint at iris scan ng bawat indibidwal upang matiyak na maibibigay ang tamang impormasyon sa tamang tao.
Inihalimbawa ni Angara na may mga pagkakataon na halos magkalapit ang demographic at biometrics ng ilang applicant kaya kanila itong dino-double check sa pamamagitan ng manual verification dahilan kaya natatagalan ang pagbibigay ng national ID.
Sinabi naman ni Pimentel na kung ganito ang proseso ay dapat matiyak ng PSA na hindi makakapag-isyu ng PhilSys ID sa isang non-citizen tulad ng insidente na nangyari noon kung saan nabigyan ng Philippine passport ang mga dayuhang pilgrim na gumamit umano ng Philippine quota.
Target ng PSA ngayong taon na makapagisyu ng 50 million na PhilSys ID at sa 2023 ay inaasahang matatapos na ito.