Umaalma si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa mabagal na pagbibigay ng fuel subsidy para sa mga PUV driver.
Puna ni Zarate, tila natutulog sa trabaho ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang in-charge o namamahala sa pamamahagi ng naturang subsidiya.
Bukod sa sunod-sunod ang pagtaas sa presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo, hanggang ngayon ay wala pa ring balita tungkol sa distribusyon ng fuel subsidy voucher para sa mga tsuper ng pampasaherong jeepney.
Nauna namang inihayag ng LTFRB na umapela na sila sa Department of Budget and Management (DBM) para madaliin ang paglalabas ng pondo sa fuel subsidy kahit pa hindi naaabot ang 3-month rule para ma-i-roll out ang programa.
Nahihirapan ang LTFRB dahil mayroong probisyon sa 2022 General Appropriations Act (GAA) na maaari lamang i-release ang pondo sa fuel subsidy program kung ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwan ay papalo sa average o higit pa sa $80 dolyar kada bariles.
Muli namang iginiit ng mambabatas na mainam sana kung nakapasa at naging ganap na batas ang pansamantalang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo pero hinarang umano ng economic managers ng administrasyong Duterte.