Mabagal na reimbursement ng PhilHealth sa mga ospital, posibleng magresulta sa pagsablay ng healthcare system

Ibinabala ni Senator Sonny Angara ang posibleng pagkakaroon ng systems failure sa ating healthcare system.

Paliwanag ni Angara, kung hindi mababayaran ng Philippine Health Insurance Corporation ang health services o claims ng mga ospital ay maaaring may magsara na ospital.

Kapag nangyari ito ay mapeperwisyo aniya ang publiko at ang mga nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan.


Diin ni Angara, matagal ng inirereklamo ang mabagal na pag-reimburse ng PhilHealth sa mga gastos ng mga ospital at pasyente.

Binanggit pa ng opisyal, na taun-taong nagbabayad ang milyon-milyong Pilipino ng automatic deductions mula sa sweldo nila, bukod pa sa 70 bilyong pesos na dagdag subsidiya ng national government sa pondo ng PhilHealth nitong nakaraang taon.

Kaugnay nito, ay pinapatingnan ni Angara sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang mga proseso ng PhilHealth para alamin ang rason sa mabagal nitong pagbayad ng mga health insurance claims ng mga ospital.

Facebook Comments