Mabigat na daloy ng trapiko, bumungad sa checkpoints sa ikalawang araw ng pagbabalik-trabaho ng mga manggagawa sa NCR

Nakaranas na naman ng matinding traffic sa mga checkpoint papasok ng Metro Manila kaninang umaga.

Ito ang ikalawang araw ng pagbabalik-trabaho ng mga manggagawa sa Metro Manila sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa Marcos Highway sa Cainta, Rizal papuntang Marikina, nasakop ng mga pribadong sasakyan ang tatlong lane habang may hiwalay na lane na punong-puno rin ng mga motorsiklo at namimisekleta.


Umabot naman ng isang kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan sa checkpoint sa East Bank Road sa Cainta papuntang Ortigas Avenue Extension sa Pasig City.

Habang sa bahagi ng EDSA-Pasay Rotonda, maluwag pa rin ang daloy ng trapiko para sa mga motoristang papunta sa Makati at Cavite.

Ang build-up ng mga sasakyan sa checkpoint ay bunsod ng isinasagawang temperature check at pagbeberipika sa ID at quarantine pass ng mga motorista.

At dahil suspendido pa rin ang mass public transportation, marami pa rin ang nagtiyagang maglakad para makapasok sa kanilang mga trabaho.

Facebook Comments