Posibleng magkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga alternatibong ruta na itinakda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City at Ortigas.
Kaugnay ito ng pagsasara ng bahagi ng Meralco Avenue para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway project.
Sa interview ng RMN Manila kay MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebria, ipinaliwanag nito ang mga problemang posibleng kaharapin ng mga motorista at pasahero na dadaan sa mga nasabing ruta tulad ng pagdagdag ng mga sasakyan na dadaan, at pagdami lalo ng pasahero sa pagsisimula ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Dagdag pa ni Nebria, pinaka-maaapektuhan dito ang mga pasahero at motoristang dumadaan mula Pasig hanggang Mandaluyong.
Kaugnay nito, nagtalaga na ng mga tauhan ang MMDA sa intersection sa Shaw Boulevard, Julia Vargas Avenue, at Ortigas para umalalay sa lagay ng trapiko.
Isasara na ngayong araw sa ganap na alas-9:00 ng gabi ang bahagi ng Meralco Avenue sa Pasig City.
Sakop ng road closure ang harapang bahagi ng Capitol Commons hanggang sa kanto ng Shaw Boulevard na tatagal hanggang sa 2028.