Marawi City – Ipinaalala ng Malakanyang sa publiko na mabigat ang kasalanang ginawa ng teroristang Maute sa Marawi City kaya’t dapat managot ang mga ito sa batas.
Ito ang inihayag ng Palasyo makaraang umugong ang ulat na nagbukas umano ng linya ang mga terorista sa pamahalaan para sa isang pag-uusap kung saan, hinihiling ding mamagitan ang mga Muslim leader.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang batayan ang anumang demand ng Maute Group lalo’t naninindigan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng “No Negotiation Policy.”
Nagsilbing volunteers ang mga miyembro ng MILF O Moro Islamic Liberation Front sa pagliligtas sa mga naipit na residente sa Marawi City gayung ayon kay Abella, hindi naman sila awtorisado na maging negosyador sa mga terorista.