Mabilis na approval ng GUIDE Act sa Kamara, hiniling

Umapela si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa mabilis na pag-apruba ng Kamara sa Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act na layong bigyan ng insentibo at exemption privileges ang mga government financial institutions.

Matapos na hindi maisama sa Bayanihan 2 ay mabilis lamang na inaprubahan sa komite ang substitute bill para sa House Bill 6795 o GUIDE Bill.

Nakasaad sa panukala na P55 billion ang ilalaan na pondo para sa credit financing ng mga GFI tulad ng Philippine Guarantee Corp. (PGC), LandBank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP) gayundin ang bubuuhing ARISE Holding Company.


Ang halagang ito ay gagamitin para sa ayuda ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na lubhang naapektuhan ng pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng mga nabanggit na government financial institutions (GIF).

Nakasaad din sa panukala na ililibre na sa pagbabayad ng documentary stamp tax, capital gains tax, creditable withholding income tax, value-added tax, gross receipts tax at iba pang buwis ang mga transaksyon sa GFIs, sa ARISE special holding company, at mga subsidiaries nito.

Binigyang-diin ni Quirino Rep. Junie Cua, pangunahing may-akda ng panukala, na mas maiging bumuo na lamang ng isang batas para sa tulong sa MSMEs imbes sa maghintay na lamang ng tamang panahon para makaahon ang maliliit na negosyo.

Facebook Comments