Dalawang babaeng suicide bomber, responsable sa dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu ayon sa AFP

Kinumpirma ni Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General William Gonzales na kagagawan ng dalawang suicide bomber ang dalawang magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon.

Aniya, natukoy nila sa CCTV footage na ang unang pagsabog sa harap ng Paradise Food Shop ay makikitang nagkalasog-lasog ang katawan ng suicide bomber.

Kaya malinaw na hindi inilagay sa motorsiklo ang bomba at saka pinasabog malapit sa military truck.


Ang pangalawang pagsabog ay una nang kinumpirma ng militar na kagagawan suicide bomber dahil may mga nakakitang babaeng nakasuot ng burka ang lumapit sa isang sundalo at bigla itong sumabog.

Kinumpirma rin ni Philippine Army Chief Lieutenant Gen. Cirilito Sobejana na parehong babae ang suicide bomber na una nang minamanmanan ng militar.

Ang isang babae aniya ay Indonesian national na biyuda ni Norman Lasuca, ang kauna-unahang Pilipinong suicide bomber na pinasabog ang sarili sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong June 2019.

Habang inaalam pa ang nationality na isang babaeng suicide bomber.

Dahil dito, umaabot na ngayon sa walong sibilyan ang namatay kabilang ang dalawang suicide bomber, pitong sundalo at isang pulis na sa kabuuan ay 16 na.

Facebook Comments