Manila, Philippines – Muling ipinanawagan ni Albay Representative Joey Salceda ang mabilis na pag-usad at pag-apruba ng Kamara at Senado sa panukala para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ito ang iginiit ni Salceda kasabay ng pananalasa ng malakas na bagyong Tisoy sa Bicol Region partikular sa kanyang distrito sa Albay.
Tinukoy ng kongresista na naging malaking problema din ngayon sa mga lugar na binabagyo ang kawalan ng sistema ng komunikasyon at kakulangan ng mga pasilidad ng mga OCDs sa bawat rehiyon para makapaghatid ng update sa mga lalawigang sinalanta ng kalamidad.
Ayon kay Salceda, kung maitatatag ang DDR ay magkakaroon na rin ng autonomous system ang Office of Civil Defense (OCD) kung saan magiging tuluy-tuloy ang palitan ng komunikasyon at para rin malaman kung anong tulong ang kinakailangan na ipadala sa mga lugar na binagyo.
Bukod dito ay isasabay din ang upgrade sa mga kagamitan na ginagamit sa pagmo-monitor sa anumang uri ng kalamidad.
Binigyang diin pa ni Salceda na mahalaga na magkaroon agad ng DDR upang may iisang ahensya na magbabaston o magbibigay ng command kung saan magiging centralize ang operasyon para sa relief, rescue, response, recovery at rehabilitation sa mga sinalanta ng kalamidad.