Maituturing pa umanong “premature” para masabing bumibilis na ang pagbangon ng ekonomiya matapos makapagtala ng 7.1% GDP growth sa third quarter ng taon.
Bagama’t bumagal ang pag-usad ng ekonomiya, sinabi ni Marikina Rep. Stella Quimbo na anumang positibong pagtaas ng GDP ay isa pa ring magandang balita.
Magkagayunman, tinukoy ng kongresista na maysakit pa rin ang ekonomiya dahil ang kasalukuyang “average income” ng bansa na P40,191 ay hindi pa rin bumabalik sa pre-pandemic level tulad noong fourth quarter ng 2019 na nasa P48,839.
Aniya pa, mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) na ang nagsabi na aabot pa ng 10 taon bago pa man makabalik ang estado ng bansa sa pre-pandemic level dulot na rin ng naging epekto ng pandemya sa ekonomiya.
Hindi rin aniya masasabing “complete recovery” na ang bansa dahil mataas pa rin ang unemployment, ang mga negosyo ay nagsisimula pa lamang makabawi, marami pa rin ang bawas ang kita at hindi pa nakakabalik sa mga paaralan ang lahat ng mga mag-aaral.
Nanawagan naman si Quimbo na paigtingin pa ng Department of Health (DOH) ang COVID response tulad ng vaccination, testing, tracing at treatment upang maprotektahan ang “early signs” ng paglago ng ekonomiya.