Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang paggaling ng nagbitiw na Japanese Prime Minister na si Shinzo Abe.
Ayon sa Malacañang, nag-usap sina Pangulong Duterte at Abe sa telepono sa loob ng 25 minuto.
Pinasalamatan ni Pangulong Duterte si Prime Minister Abe para sa tulong ng kanilang bansa lalo na sa infrastructure at defense.
“President Duterte personally conveyed his best wishes for Prime Minister Abe’s speedy and full recovery and extended appreciation for the Prime Minister’s valuable contribution in the strengthening of the Philippines-Japan Strategic Partnership,” sabi ng Malacañang.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na palalakasin pa ang Philippine-Japan Strategic Partnerships.
Nabatid na inanunsyo ng Japanese leader ang kaniyang pagbibitiw dahil sa iniinda niyang sakit na ulcerative colitis.
Si Abe ang kauna-unahang world leader na bumisita kay Pangulong Duterte sa Pilipinas noong 2016 at tinanggap ang imbitasyong dumalaw sa bahay ng Pangulo sa Davao City noong 2017.