Ikinalugod ng Department of Justice (DOJ) ang paglalabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Mandatory SIM Card Registration Law.
Kumpiyansa si Justice Spokesman Mico Clavano na makatutulong nang malaki ang implementasyon ng batas upang mapigilan ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa bansa.
Alinsunod sa IRR ng nasabing batas, kailangang irehistro ng subscribers ang kanilang SIM card para hindi ito ma-deactivate.
Ayon kay Clavano, ginagamit ang prepaid SIM cards ng perpetrators ng OSAEC crimes para makapag-recruit ng mga biktima.
Sinabi ni Clavano na bagama’t walang opisyal na pag-aaral na nagpapakita na ang Pilipinas ang nangunguna sa mundo sa OSAEC ay masasabing pinaka-hotspot ang bansa ng nasabing krimen dahil sa dami ng mga reklamong lumulutang.