Inatasan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Bureau of Customs (BOC) na i-fast track o bilisan ang pagpapalabas sa mga donasyon na personal protective equipment mula sa ibang bansa.
Ayon kay DFA Usec. Brigido “Dodo” Dulay, tinitiyak niya sa publiko na agad nilang ibibigay sa mga Health Workers ang mga foreign donations sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa BOC at sa Food and Drug Administration (FDA).
Una nang naglabas ng memorandum ang FDA kung saan nakasaad ang magaan na Clearance Guidelines sa Customs para agad na maipamahagi ang mga kailangang medical gear gaya ng face masks, n95 masks, shoe covers, gloves, head covers, at gowns.
Una nang nanawagan ang mga ospital at maraming Health Workers ng donasyon dahil nagkukulang na sila sa personal protective equipment.
Kung maaalala, nasa apat na doktor na ang nasawi na pinaniniwalaang dahil sa COVID-19.