Mabilis na pagresolba sa kaso ng pagpaslang sa dating Hepe ng Jolo PNP, tiniyak ni PNP Chief

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Debold Sinas sa pamilya ng napaslang na dating Hepe ng Jolo PNP na si Police Lt. Col. Walter Annayo ang mabilis na pagresolba sa kaso.

Ang katiyakan ay personal na ibinigay ni Sinas sa iniwang asawa ni Annayo na si Alma at dalawang anak, sa kanyang pagbisita sa burol ng napaslang na opisyal sa Baguio City kagabi.

Nagbigay ng kanyang “last respects” si Sinas kay Annayo kasabay ng pag-bibigay ng tulong pinansyal sa pamilya, at pangakong mabilis na ilalabas ang mga benepisyo para sa mga naulila ng opisyal.


Si Annayo ay binaril at napatay ng hindi pa kilalang salarin nitong nakaraang Sabado matapos bumaba ng kanyang sasakyan para bumili ng buko juice sa kahabaan ng Narciso Ramos Highway Brgy. Macabiso, Sultan Mastura, Maguindao.

Matatandaang si Annayo ay sinibak sa kanyang pwesto bilang Chief of Police ng Jolo, Sulu matapos na masangkot ang 9 niyang tauhan sa pamamaril at pagpatay sa apat na sundalo sa tinaguriang “Jolo Shooting incident” noong Hunyo.

Una nang nanawagan ang PNP Chief sa publiko na iwasan ang ispekulasyon sa pagkamatay ng opisyal habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP-BARMM sa tulong ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Facebook Comments