Kinitil ng coronavirus ang buhay ng isang mag-amang Filipino-American sa Vallejo, California, sa loob lang ng dalawang araw na pagitan.
Unang pumanaw noong Abril 20 si Alberto Dumenden Reyes, 84-anyos retiradong US Navy, na nahilig sa woodworking at pagtatanim sa kanilang bakuran noong nabubuhay pa, ayon sa ulat ng KGO.
Dalawang araw makalipas, binawian naman ng buhay ang 60-anyos niyang anak na si Fernando, na kumayod sa dalawang full time job sa San Francisco.
Kung hindi dahil sa coronavirus pandemic, masasaksihan pa sana nd dalawa ang pagtatapos sa pag-aaral ni Fernando Jr., apo ni Alberto kay Fernando.
“I went through a lot of guilt for not graduating earlier so that my father could’ve seen it,” ani Fernando Jr., na kauna-unahang nakapagtapos ng kolehiyo sa pamilya.
Sa kasamaang-palad, matapos ang pagpanaw ni Alberto at Fernando Sr., ay nagpositibo naman sa COVID-19 ang ina ni Jr. na isang postal worker.
Bukod sa nawalan ng mahal sa buhay, ikinalulungkot din ni Fernando Jr. ang tila pagsasawalang-bahala ng mga tao at ng gobyerno sa gitna ng pandemya.
Mensahe niya, “Take it seriously. Be vigilant about public health concerns. More people don’t deserve to go through what I went through.”