Cauayan City, Isabela- Patay ang mag-amang miyembro ng rebeldeng grupo matapos sumiklab ang engkwentro sa pagitan tropa ng 95th Infantry Battalion Philippine Army dakong alas-12:00 kahapon ng tanghali sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre na sakop ng Diwagao Complex, Barangay Tappa, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay 5ID DPAO Chief Army Major Jekyll Dulawan, ipinagbigay- alam ng komunidad sa hanay ng militar ang umano’y pagala-galang armadong grupo kung kaya’t agad umanong tumugon ang kasundaluhan sa nasabing impormasyon.
Habang nagsasagawa ng Intensified Military Operations ang tropa ng sundalo ay bigla na lamang umanong pinaputukan ng baril ng rebeldeng grupo na pinamumunuan ng squad leader na si alyas “Dave”.
Dahil dito, tumagal ng limang minuto ang engkwentro at natagpuan ang bangkay ng 50-anyos na squad leader na si alyas “Dave” at kanyang anak na si alyas “Albert, pawang mga miyembro ng Regional Sentro de Gravidad, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Narekober naman sa encounter site ang dalawang M16 rifle.
Samantala, ayon pa kay Dulawan posibleng gamitan ng air asset sa gagawing pagbaba sa mga bangkay ng NPA na napatay sa engkwentro.
Humigit kumulang namang sampung rebelde ang nakasagupa ng tropa ng kasundaluhan kasama ang tropa ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company.
Maswerte namang walang naiulat na sugatan sa hanay ng military matapos ang insidente ng bakbakan.
Muli namang hinimok ng kasundaluhan ang mga natitira pang NPA na magbalik loob na sa pamahalaan upang tamasahin ang mga programa ng pamahalaan.