Tiklo ang isang mag-asawa sa Arkansas, US, matapos madiskubre ng pulisya na nakakonsumo ng methamphetamine (shabu) ang kanilang 16-buwan-gulang na anak.
Unang dinala ng lola ang sanggol sa clinic nang magsimula itong mairita at umiyak habang paulit-ulit na kinakamot ang ilong, ayon sa ulat ng KFSM nakaraang linggo.
Nagbigay ang mga doktor ng gamot para sa allergic reaction sa pag-asang hindi seryoso ang lagay ng bata, ngunit hindi ito tumalab.
Inabisuhan ang lola na ilipat na ang sanggol sa emergency room, kung saan lumabas na positibo ito sa shabu.
Naniniwala ang pulisya na sa bahay ng pamilya nagmula ang drogang pumasok sa sistema ng sanggol.
Naiwan umano ang bata sa pangangalaga ng nanay na si Shimay Holt, 29, matapos pumasok sa trabaho ang asawang si Clifford Kelly, 32.
Ayon sa awtoridad, magkaiba ang salaysay ng mag-asawa nang magkahiwalay na tanungin kung paano nagpositibo sa shabu ang anak.
Wala rin umano sa dalawa ang umako ng responsibilidad, dahilan para parehong dakpin noong Enero 28.
Parehong sinampahan ng reklamong introduction of a controlled substance into another’s body at first-degree endangering of a minor’s welfare ang mag-asawa.