Mag-asawa, Arestado sa Investment Scam sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang mag-asawa na sangkot sa investment scam sa ikinasang entrapment operation ng mga otoridad sa barangay Annafunan, Echague, Isabela.

Nakilala ang mag-asawang nahuli na supervisor ng Interim National People’s Initiative Council na sina Ernesto Simangan Gumarang, 72 taong gulang at Merlita Fuentes Gumarang, 60 taong gulang, kapwa residente ng Purok 7, Brgy. Gayong, Cordon, Isabela.

Sa isinagawang entrapment operation, naaktuhan ang mag-asawa na nagsasagawa ang mga ito ng scam at nanghihingi ng pondo sa publiko na kahit walang pahintulot o anumang kaukulang dokumento na rehistrado mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) para sa nasabing aktibidad.


Nagresulta ito sa kanilang pagkakaaresto kung saan nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang isang unit ng motorsiklo, dalawang (2) unit ng cellphone, cash na nagkakahalaga ng P3,500.00, mga pirmadong certificates at blank certificates, 17 Certificate of entitlement, 12 filled up INTERIM Appointment Orders at 12 blank INTERIM Appointment Orders; 52 blank NPIC-NPICC third edition forms for New Philippines; walong (8) blank NPIC-NPICC third edition forms for New Philippines; isang (1) hand bag, stamp pad, stapler at mga ballpen.

Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya, nanghihingi ang dalawang suspek mula sa mga biktima ng membership fee na P400.00 at sila’y pinangakuan na kikita ang kanilang pera ng P30,000.00 hanggang P1,000,000.00 na maibibigay sa Disyembre 2021.

Dinala na sa CIDG Santiago City Filed Unit ang mag-asawang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong Estafa laban sa dalawang scammer.

Nag-ugat ang pagkakahuli ng dalawang suspek sa sumbong ng walong (8) kanilang nabiktima habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang nabiktima ng nasabing investment scam.

Facebook Comments