Mag Asawa, Arestado sa Panggugulpi!

Rizal, Cagayan- Hawak na ng alagad ng batas ang mag asawang sangkot sa panggugulpi sa isang babae pasado alas nuwebe y medya kamakailan sa barangay Duyun, Rizal, Cagayan.

Kinilala ang mag asawang suspek na sina Jonel Ladera, limampu’t apat na taong gulang, magsasaka at Rosemarie Ladera, limampu’t dalawang taong gulang, walang trabaho at mga pawang residente ng naturang lugar Samantalang kinilala naman ang biktima na si Helen Telan, limampu’t limang taong gulang, byuda, at residente din ng nasabing lugar.

Batay sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, nakatanggap ng sumbong ang PNP Rizal mula sa anak ng biktima na si Ruben Telan na pinagtulungang gulpihin ang kanyang ina habang ito ay papunta sa isang tindahan.


Agad namang nirespundehan ng kapulisan ang naturang sumbong at dito napag-alamang binugbog at pinagpapalo ng bakal sa katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang panghihina kaya’t dinala ito ng mga suspek sa kanilang bahay sa pag-aakalang patay na ito.

Nakakuha naman ng tiyempo ang biktima para tumakas kaya’t agad na tinungo ang bahay ng kanilang kapitan upang humingi ng saklolo.

Nasa kustodiya na ng PNP Rizal ang mag-asawa na mahaharap sa kanilang kaukulang kaso.

Facebook Comments