Limang bata na may edad 2 hanggang 17, ang naulila matapos mamatay nang magkasunod na araw sa novel coronavirus ang kanilang mga magulang sa United States.
Binawian ng buhay si Humberto Ruelas-Rivas, 60, noong nakaraang Linggo, Hunyo 7, habang namaalam naman kinabukasan ang misis na si Karina Bonilla, 38, ayon sa ulat ng KTLA.
Balak naman kupkupin ng 35-anyos na anak ni Rivas na si Maria Ruelas–kasalukuyang engaged at wala pang anak–ang mga nakababata niyang kapatid.
“Within six days, I lost my father. And within eight hours, I lost my stepmother. And now I have five kids,” ani Ruelas sa ulat.
Ayon kay Ruelas, unang nagkasakit ang kanyang stepmother na si Bonilla na marahil umano dahil sa trabaho nito na pagtitinda ng prutas.
Sa kabila ng pagkakaroon ng sintomas ng COVID-19, hindi raw humiwalay si Bonilla, hanggang kalaunan ay nagkasakit na rin ang mister.
Hindi naman nagkaroon ng pagkakataon si Ruelas na makapagpaalam sa kanyang ama.
“Even though they’re deceased, the virus is still active in their bodies so you can’t touch the body. I hope this story doesn’t repeat again. It’s devastating,” aniya.