Mag-asawa na Opisyal ng NPA sa Isabela, Sumuko!

376

*Cauayan City Isabela-* Nagbalik loob na sa pamahalaan ang mag-asawang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos ang matagal na panahon na pagsisilbi sa kilusan.

Kinilala ang mga sumukong mag asawa na sina Joey Ramos y Miano alyas ka Jerome, 48 anyos, residente ng Sitio Pudoc, Barangay Cadsalan, San Mariano Isabela, na tumatayong Supply officer at Team Leader ng Team Uno, Platoon Remo, Central Front Ng Reynaldo Piñon Command (RPC) na nakabase sa Lalawigan ng Isabela at ang asawa nitong si Baby Jane Morales y Magudang Alyas Barbi, Jandi, at Eber, 30 anyos at residente naman ng Cabisera 10 sa Lungsod ng Ilagan at tumatayong Medical Officer ng Central Front ng New People’s Army.


Ganap na alas sais kinse noong araw ng sabado, Agosto 24, 2019 nang sumuko sa pinagsanib na pwersa ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pangunguna ni PLT. Col Santos Tecbobolan at 1Lt. Sabud ng 95th Infantry Battalion, Phil. Army sa ilalim ng Joint Intelligence Task Group Manangbalbaliw ang mag-asawa.

Matapos ang pagsuko ng mga ito ay napag alaman ng mga awtoridad base sa kanilang pagberipika na may mga nakabinbin na kaso at Warrant Of Arrest na ipinalabas ng ibat-ibang hukuman laban kay Joey Ramos kayat agad din isinilbi ang Mandamiento De Aresto laban sa suspek na kinabibilangan ng mga kasong Murder, Arson, Robbery, Multiple Attempted Murder, na pawang walang mga piyansa sa ibat ibang hukuman dito sa Lalawigan maliban sa dalawang kaso ng Direct Assault na may piyansang tatlumput anim na libong piso bawat isa.

Sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng mga kinauukulan ang dalawa at isinasailalim na sa tactical Interrogation.

Hindi pa rin nagbibigay ng anumang pagpapahayag ang mga opisyal ng PNP at Phil Army kaugnay sa nasabing pagsuko ng matataas na pinuno ng kumunistang grupo sa Lalawigan ng Isabela.

Naganap ang pagsuko ng mag-asawa sa barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Facebook Comments

From Advertisers