Cauayan City, Isabela- Patay ang mag-asawa habang sugatan ang 13 katao matapos salpukin ng isang pampasaherong bus ang kasalubong na motorsiklo sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt Edmar Oliveros, Deputy Chief of Police ng PNP Cordon, pauwi na sa kanilang tahanan sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya ang mag-asawang sina Elsie at Maverick Andaya na galing sa bayan ng Cordon at nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay biglang sinalpok nang paparating na pampasaherong bus na minamaneho ni Chonel Agustin na residente ng Maddela, Quirino.
Matapos ang salpukan ay bumangga ang bus sa punongkahoy na ikinasugat ng 12 mga pasahero maging ang drayber nito.
Isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mag-asawa subalit idineklarang dead on arrival habang tumagal naman ng dalawang oras bago mailabas ang drayber ng bus matapos maipit ang kanyang mga paa sa sasakyan.
Ayon sa kundoktor ng bus, napaidlip umano ang kanyang drayber kaya’t hindi napansin ang dinadaan at sumalpok sa kasalubong na motorsiklo.
Kasalukuyang nasa pagamutan ang suspek na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Double Homicide and Multiple Physical Injuries and Damage to Property.