Mag-asawa, patay dahil sa pagkain ng shellfish sa Surigao

Nasawi ang mag-asawa matapos makakain ng shellfish sa Barangay Kinayan, Surigao del Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Lucia at Leonito Namoc, na sinasabing nanguha ng shellfish nito lamang Lunes.

Base sa report ng Barobo Police, hilaw nang kinain umano ng dalawa ang naturang lamang-dagat, at kakaiba raw ang kulay ng tubig noong mga oras na iyon.


Nang maisugod sa ospital ang dalawa, pananakit ng ulo at pamamanhid ang inirereklamo umano ng mga pasyente ayon kay Dr. Michelle Belascuain.

Idineklarang dead on arrival si Lucia at ilang oras makalipas ay pumanaw na rin si Leonito.

Samantala, isa pang kapitbahay ang naidala rin sa ospital dahil sa pagkain ng shellfish.

“Based on the history, the same thing, they have eaten shellfish earlier. The third patient was complaining of difficulty in swallowing,” ani Belascuain.

Kaugnay nito, naglabas na ng bulletin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Nob.26 para sa pagbabawal sa pagkain ng shellfish dahil umano nakakalason ito.

Maaring ito rin daw ang dahilan ng agarang pagkamatay ng mag-asawa.

Facebook Comments