Pinukpuk, Kalinga – Pinagtataga, isinilid sa sako at inilibing ng isang CAFGU member ang kanyang kapatid at asawa nito dahil lamang sa saging sa Sitio Sagongab Palong, Brgy. Taggay, Pinukpuk, Kalinga.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Superintendent Alfredo Kiwad Dangani, PNP Provincial Director ng Kalinga, sinabi niya na bago umano ang pagpatay ni Rafael Madayag sa kapatid niya na si Basiano at Irene Madayag ay nagkaroon umano ng pagtatalo dahil sa kinuha ng nakakatandang kapatid na si Basiano ang bunga ng pananim na saging ng suspek.
Aniya hinampas umano ni Rafel ng kahoy na silya ang mag-asawa bago sila pinagtataga hanggang sa mapatay ang mga ito at isinilid niya ang mga biktima sa sako at inilibing malapit sa bahay ng mag-asawa.
Nakatakbo naman ang siyam na anyos na anak ng mag-asawa na siyang nagsumbong sa himpilan ng pulisya kung saan ay nahuli ang CAFGU member sa isang checkpoint sakay ng pampasaherong jeep.
Patuloy hanggang sa ngayon ang imbestigasyon ng otoridad sa tunay na motibo ni Rafael Madayag sa kanyang ginawang krimen dahil sa sinasabing may alitan umano ang mga ito dahil sa lupa.
Sa ngayon ay nakakulong na sa BJMP Tabuk ang suspek na nahaharap sa kasong two counts of murder.