Mag-asawa, Sugatan sa Pananaksak ng Senior Citizen

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang mag-asawa makaraang saksakin ng kanilang kapitbahay sa barangay San Jose, Gonzaga, Cagayan.

Nakilala ang mag-asawang biktima na sina Robin Laurelio, 33 taong gulang, mangingisda at Rovelynda Laurelio, 33 taong gulang, habang ang suspek ay nakilalang si Dante Ramos, 63 taong gulang na pawing mga residente ng barangay San Jose.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagpapahinga ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay, biglang dumating ang suspek na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at may dalang itak at basta na lamang pinagsasaksak ang mag-asawa.


Agad namang rumesponde ang mga kaanak ng biktima sa insidente kaya’t naisugod sa pagamutan ang mag-asawa habang tumakas naman ang suspek.

Tumugon naman ang PNP Gonzaga nang matanggap ang impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa kanyang mismong bahay.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) itak na may bahid ng dugo at isang (1) Caliber 38 na baril na may kasamang dalawang bala.

Dinakip ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Mahararap sa kasong Frustrated Homicide at paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions ang suspek.

Facebook Comments