Pinakawalan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang mag-asawang amo na nagmaltrato sa kasambahay sa Occidental Mindoro na si Elvie Vergara.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, pinakawalan na ng Senado ang mag-asawang amo na sina France at Pablo Jerry Ruiz na na-contempt ng kapulungan dahil nakapaglabas na ng report sa ginawang imbestigasyon dito ang Senate Committee on Justice and Human Rights.
Sinabi ni Tolentino na Chairman ng komite, nakapaloob sa kanilang patakaran na kapag nailabas na ang committee report ng nagsiyasat ay awtomatikong iri-release ang na-contempt mula sa kanilang detensyon.
Naisumite na rin ng komite ang report tungkol sa imbestigasyon sa pananakit at pagmaltrato sa kasambahay na nauwi pa sa kanyang pagkabulag at dito’y inirerekomenda ang pagpapataw ng mataas na multa at mabigat na parusa laban sa mag-asawang amo.
Samantala, si Vergara naman ay nasa ilalim na ng Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ).