Mag-asawang Discaya, dapat makulong —isang lider ng minorya sa Kamara

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima na dapat makulong ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Pahayag ito ni De Lima makaraang magpasya ang nag-asawang Discaya na hindi na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Diin ni De Lima, sa simula pa lang ay nadismaya na ang taumbayan sa mga Discaya dahil limitado at mayroong pinipili ang testimonya ng mga ito ukol sa maanumalyang flood control projects.

Bunsod nito ay iminungkahi ni De Lima sa ICI, Department of Justice (DOJ), Ombudsman na mangalap pa ng dagdag na ebidensya bukod sa mga testimonya o affidavit na isinumite ng mga Discaya at ng iba pang sangkot sa anumalya.

Ayon kay De Lima, maaaring magamit bilang ebidensya ang mga bidding at project document ng Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin ang reports ng Anti-Money Laundering Council at iba pang government records.

Nananawagan din si De Lima sa ICI na atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na mag-aplay ng search warrant para sa lahat ng opisina at bahay ng Discaya upang makuha ang mga dokumento at iba pang ebidensya na magpapakita ng korapsyon sa mga proyektong nakuha nila sa pamahalaan.

Facebook Comments