Mag-asawang doktor sa Cebu City, namatay dahil sa COVID-19

Courtesy Dennis Thomas Tudtud

Pumanaw na ang mag-asawang doktor sa Cebu City na tinamaan pareho ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Namatay sa edad na 66-taong-gulang si Dra. Helen Tudtud, isang kilalang pathologist mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) noong Biyernes, Marso 27; at makalipas ang tatlong araw sumunod naman ang asawa niyang si Dr. Dennis Ramon Tudtud, na isang oncologist.

Sa pamamagitan ng social media, kinumpirma ng kanilang anak na si Dennis Thomas ang nakalulungkot na balita.


“Our Daddy Dennis has joined Mommy Helen. My sister and I are in deep sorrow that God had to take both of them but I take comfort that they are happy together in their journey to paradise,” pahayag ng binata na nagdiriwang ng kaniyang kaarawan ngayon.

Kasunod nito, humihiling ang naulilang pamilya sa publiko na ipagdasal ang matinding pagsubok na pinagdadaanan.

“My sister and I may never understand why God had to take them both. There are so many questions with no answers. We have a flood of tears. I also ask for your prayers of strength and of acceptance. Daddy and Mommy, please watch over us from heaven,”  saad ni Dennis Thomas.

Palaisipan pa rin para sa supling kung paano at saan nakuha ng magulang niya ang virus gayong hindi naman sila bumiyahe sa ibang bansa.

Kuwento ng binata, palagi siyang nagpapaalala sa magulang niya na huwag nang magtungo sa pagamutan bunsod ng banta ng COVID-19 lalo na at pinupuntirya nito ang mga senior citizen at may pre-existing ailment.

Pero hindi pumayag ang mag-asawa sa hiling ng anak dahil ayaw nilang iwanan ang mga nangangailangan ng atensyong medikal.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, inaalagaan ng tatay niya ang mga pasyenteng may cancer.

“His selflessness did not stop in our home. As a doctor, he would even pay for the chemotherapy sessions of some of his patients just so their families could spend more years with them. He was generous beyond words could even describe.”

Iniulat ng DOH, Martes ng hapon, na umakyat na sa 2,084 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, matapos madagdagan nang 538 ang mga nagpositibo sa sakit.

Pumalo naman sa 49 ang naka-recover habang 88 ang pumanaw dito.

Facebook Comments