Kinumpirma ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na naka-confine sa isang private hospital sa Parañaque ang mag-asawang nakitaan ng sintomas na COVID-19.
Ayon kay Olivarez, March 1 pa naka-confine sa Uni-Health Hospital ang mag-asawang pasyente.
Nilinaw naman ni Olivarez na hindi residente ng Parañaque ang dalawang pasyente at galing sila ng San Juan.
Sa nasabing ospital, aniya, nagtatrabaho ang anak ng mag-asawang pasyente kaya doon nila pinili na magpagamot matapos na lumabas sa laboratory test ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM na positibo ang mga ito sa COVID-19.
Idinagdag pa ni Olivarez, bumuo na sila ng task force para sa COVID-19 na pinangunahan ng City Health Officers at City Council para magkaroon ng education precautions sa lungsod.
Nagbigay na rin, aniya, sila ng Memorandum Circular sa mga barangay at sa private sector para obligahin ang mga ito na kunan ng body temperature ang mga pumapasok sa establishments gamit ang infrared thermometer.
Maging ang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO operators sa Parañaque ay pinulong na rin ng City Health officials para maturuan sila ng tamang pag-iingat para maiwasan ang pagkalat ng virus.