Mag-ina sa Cagayan na Hinanapan muna ng Pera, Inasikaso lang ng Ospital Matapos na Pakiusapan ng mga Pulis!

Cauayan City, Isabela- Muntik nang hindi asikasuhin ng St. Paul Hospital ang naghihingalong 2-taong gulang na batang lalaki sa Tuguegarao City, Cagayan.

Sa inisyal na impormasyong nakuha ng 98.5 iFM Cauayan, nagtungo sa himpilan ng Solana Police Station ang nanay na si Bianca Quilang, 34 taong gulang kasama ang anak na si Jonel Castillejo upang magpatulong na maidala sa pinakamalapit na ospital ang kanyang anak dahil nahihirapan na itong huminga.

Inihatid ng pulisya ang mag-ina gamit ang kanilang patrol at nang makarating sa naturang ospital ay nagkaroon ng pag-uusap ang nanay ng bata sa isang Nurse na nakasuot ng kumpletong Personal Protective Equipment (PPE).


Tinanong ng nurse ang nanay kung may pera ba ito para sa pagpapagamot ng kanyang anak at pagkalipas ng ilang sandali ay inabisuhan ng nurse ang nanay na dalhin na lamang sa ibang ospital ang kanyang anak.

Dahil dito, kinausap na ng dalawang pulis na naghatid sa mag-ina na sina PSSg Ponzaran at Pat Abella ang nurse na bigyan na ng first aid ang bata dahil halos hindi na ito gumagalaw sa iniindang karamdaman.

Inasikaso lamang ng naturang nurse ang bata matapos na akuin ng mga pulis ang medical expenses ng bata na kalauna’y inilipat din sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Samantala, ipinaabot na sa tanggapan ng Department of Health (DOH) Region 02 ang naturang insidente para sa kaukulang aksyon.

Facebook Comments