MAG-INANG SANGKOT UMANO SA PAGNANAKAW, ARESTADO

Inaresto ng mga awtoridad ang mag-inang hinihinalang nanloob sa isang paaralan sa bayan ng Claveria sa lalawigan ng Cagayan.

Sa ulat ng Claveria Police Station, kinilala ang mag-ina na sina alyas Kleng, 50 taong gulang, walang trabaho, at ang kanyang anak na si alyas Kardo, 20 taong gulang, kapwa residente ng Barangay Langagan, Sanchez Mira, Cagayan.

Una rito, tumawag sa himpilan ng pulisya ang Principal ng Claveria Central School na si Ginoong Framel Clemar De Peralta, upang ipaalam na ang kanilang paaralan ay ninakawan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na dumaan ang mga magnanakaw mula sa sinirang bintana ng silid-aralan na pinagtuturuan ng isang guro kung saan natangay ang isang laptop na isyu ng Dep-Ed.

Agad nagkasa ng “Hot Pursuit” ang Kapulisan ng Claveria sa pangunguna ng hepe na si PMaj. Krismar Angelo P Casilana, para sa agarang pagdakip sa mga salarin.

Mula sa tulong ng mga opisyales ng Barangay Centro 1, sa pamumuno ni Punong Barangay Marlou Asuncion, at ang utility admin aide ng paaralan na si Mark Louie Tabieros, natunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa tinutuluyan nilang kubo na nasa gitna ng palayan sa Barangay Centro 7.

Nakuha mula sa mag-ina ang mga pinaghihinalaang ninakaw na mga gamit ng paaralan na kinabibilangan ng dalawang (2) laptop, dalawang laptop chargers, isang sirang smartphone, dalawang depektibong solar panel, tatlong USB flash drives, isang gunting at isang itak.

Ang dalawang laptop ay positibong tinukoy na pagmamay-ari ng dalawang biktimang guro.

Nakakulong na ang mag ina sa himpilan ng Claveria Police Station at nahaharap sa kasong “Robbery”.

Facebook Comments