Nabiktima ng holdap ang mag-live-in partner habang binabaybay ang kahabaan ng Brgy. Bolingit, San Carlos City noong Lunes ng gabi, Marso 23, 2026.
Ayon sa imbestigasyon ng San Carlos City Police Station (CPS), sakay ng motorsiklo ang mga biktima, na kinilalang isang 37-anyos na lalaki at 38-anyos na babae, nang harangin umano sila ng dalawang lalaking may dalang itak.
Hinablot sa mga biktima ang isang kahon na may labing tatlong pakete ng sigarilyo at perang nagkakahalaga ng ₱2,000 bago tumakas sakay ng tricycle na walang plaka.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang lalaking suspek, na may edad na 30 at 25, at kapwa residente ng Pangasinan. Positibo ring kinilala ng mga biktima ang mga suspek bilang responsable sa naganap na panghoholdap.
Narekober din ang mga ninakaw na gamit, kabilang ang itak na ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Carlos City Police Station ang mga suspek at sasampahan ng kasong Robbery. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









