MAG-LIVE-IN PARTNER, NAHULIHAN NG ₱145K HALAGA NG ILIGAL DROGA SA LA UNION

Arestado ang mag-live-in partner na kapwa itinuturing na Provincial Priority Target sa San Juan, La Union matapos makuhanan ng tinatayang ₱145,200 halaga ng iligal na droga sa isinagawang search warrant operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office I (PDEA RO 1) noong Enero 19, 2026.

Sa isinagawang paghahalughog, nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 21 gramo ng hinihinalang shabu at 20 gramo ng tuyong dahon ng marijuana.

Nakuha rin mula sa mga suspek ang tatlong bukas na plastic sachet na may residue ng iligal na droga at iba pang non-drug evidence na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na gawain.

Kinilala ang mga naaresto bilang sina alias “Joey” at alias “Janet,” kapwa 43 anyos at mga residente ng nasabing bayan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA RO 1 ang mga suspek at nakakulong sa PDEA RO 1 jail facility sa Camp Diego Silang, Carlatan, San Fernando City, La Union.

Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito.

Facebook Comments