Ipinagtaka ng mga residente sa isang apartment building sa India nang halo-halong alak ang lumabas sa kanila-kanilang gripo.
Nagsimulang lumabas ang maamoy at kulay-kalawang na tubig nitong Lunes ng umaga sa mga tirahan sa Kerala.
Humingi ng tulong ang mga residente sa awtoridad at napag-alamang mga opisyal pala mismo ang aksidenteng nakasira ng tubig, ayon sa ulat ng The Times of India.
Lumalabas na may nakumpiskang 6,000 litro ng alak ang awtoridad na ibinuhos nila sa isang hukay, sunod sa utos ng korte.
Sa kasamaang-palad, sinipsip ng lupa ang halo-halong beer, brandy, at rum na napunta sa kalapit na balon na pingkukunan ng tubig ng apartment complex.
Apektado ang tubig-inumin at pang-hugas ng 18 pamilya na nagreklamo na sa awtoridad.
Nagsusuplay ng 5,000 litro ng tubig ang mga opsiyal, subalit hindi umano ito sumasapat para sa lahat ng pamilya.
Tinatayang aabutin pa ng isang buwan bago tuluyang maibalik ang malinis na tubig sa balon.