Magandang estado ng tax collection ng bansa sa kabila ng pandemya, ikinalugod ng Kamara

Ikinalugod ng Kamara ang mahusay na tax collection ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at economic managers ng administrasyon sa kabila ng mga kinaharap na pagsubok sa ekonomiya ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Bunsod nito ay ini-adopt ng Kamara ang House Resolution 1538 nina House Majority Leader Ferndinand Romualdez at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo bilang pagkilala sa BIR, sa pangunguna ng pinuno ng ahensya na si Commissioner Caesar Dulay, at buong economic team ng pamahalaan.

Binanggit sa resolusyon na sa kabila ng malawak na epekto ng pandemya ay lumagpas ang BIR sa tax collection target para sa Fiscal Year 2020.


Aabot sa P1.94 trillion ang kabuuang koleksyon ng BIR noong nakalipas na taon, na mas mataas sa P1.69 trillion na target.

Sa report ng BIR, ang pinakahuling beses na natamo ng ahensya ang target na koleksyon ay noon pang 2001 at 2003.

Sinabi pa sa resolusyon na malaking-bagay ang mga programa ng BIR tulad ng Tax Account Management Program, monitoring ng tax remittances at pagpapalakas ng tax awareness upang matiyak na maayos at makakamit ang mataas na koleksyon sa buwis.

Umaasa naman ang Kamara na magtutuloy-tuloy ang magandang performance o trabaho ng BIR.

Facebook Comments