Tiniyak ng National Food Authority sa publiko na magagandang kalidad ng bigas lamang ang kanilang ibinebenta ng mga public market sa halagang ₱27 kada kilo.
Paglilinaw ito ng NFA kasunod ng ulat na may rice retailer sa Pasig Mega Market ang umangal dahil sa mababang klase ng NFA rice ang kanilang ipinagbibili.
Ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal, maayos na napangangalagaan ang kanilang stocks sa mga warehouse at nasusunod ang mga polisiya na dapat ang mga rice stocks lamang na ligtas at maganda ang kalidad ang kanilang inilalabas.
Nagsagawa na ng inspection ang East District Office ng NFA sa kalidad ng NFA rice sa Pasig area pero wala namang makitang mahinang klase ng stocks ng bigas bagkus nauna pang maubos ito.
Aniya, alam naman ng mga accredited retailers na may patakaran na pinapalitan ng NFA ang hindi kagandahang Stock o kung hindi katanggap-tanggap ang kalidad.
Sinabi naman ni NFA-NCR Director Carlito Co na lahat ng rice Stocks na ipinamahagi sa buong bansa ay isinasailalim sa regular Quality Audit at Pest Control Measures.
Ang reklamo aniya ayon sa News Report mula sa isang retailer sa Pasig Market ay isang isolated case lamang pero base naman sa pahayag ng ibang NFA rice retailers at buyers sa lugar ay nagpapatunay na maganda ang kalidad ng NFA rice na nasa palengke.