Manila, Philippines – Hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang mga isyung kinasasangkutan ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Kasama sa mga nais ipasiyasat ng Makabayan sa Kamara ay ang alegasyon ng magarbong Christmas Party ng PCSO na aabot umano sa P10 million at ang sinasabing korapsyon sa small town lottery operations.
Dagdag pa dito ang kwestyunableng charity funds na dapat sana ay nasa P5.4 Billion pesos ang inilalaan pero P2.2 Billion lamang ang ibinibigay ng PCSO.
Kinukwestyon ni Zarate kung saan napupunta ang napakalaking halaga lalo na sa charity funds na dapat sana ay 30% ng P18 Billion o P5.4 Billion na kita ay dito dapat mapunta.
Aniya, nakapaloob sa mandato ng PCSO ang pagtulong at paglalaan sa charity pero nasasakripisyo ang mga indigent na dapat sana ay nakikinabang dito dahil sa ginagawang gatasan ng mga opisyal ang PCSO.