Cauayan City, Isabela- Nilinaw ng pamunuan ng National Irrigation Administration- Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na walang kinalaman ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam sa pagbaha sa ilang mga lugar sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Engr. Wilfredo Gloria, Department Manager ng NIA-MARIIS, kanyang sinabi na manipis lamang ang itinaas ng lebel ng tubig sa mga ilog na nadadaan ng Magat Dam kaya’t malayo aniya na makapagdulot ng baha.
Nilinaw nito na ang mga lugar na nakaranas ng pagbaha dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga overflow bridges sa Lalawigan dulot ng Bagyong Pepito ay hindi konektado sa Magat River kundi sa Ilog Cagayan.
Inihalimbawa nito ang Alicaocao/Turayong, Sipat Overflow bridge sa Lungsod ng Cauayan ay konektado sa Cagayan river.
Sinabi pa ni Engr. Gloria na ang mga lugar na dinadaanan ng Magat River ay ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Luna, San Manuel patungong Gamu, Isabela.
Matatandaang nagpakawala ng tubig ang Magat Dam pasado alas 4:00 ng hapon kahapon kung saan isang (1) unit lamang ng spillway gate ang binuksan na may discharged na 185-cubic meter per second.