Pinuri ni Vice President Leni Robredo si Ana Patricia Non, ang proponent ng Maginhawa Community pantry.
Si Non ay residente ng Quezon City na nagtayo ng bamboo cart sa Maginhawa Street, Diliman, Quezon City – naglalaman ito ng donated food items tulad ng gulay, bigas, vitamins, kape, delatang pagakin at iba pa.
Ang mga residente ay malayang kumuha ng kinakailangan nila sa pang-araw-araw, kabilang na rito ang personal hygiene products at face masks.
Dito na nagsulputan ang community pantries sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at iba pang probinsya.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na batang edad pa lamang ay nauunawaan na ni Non ang hirap na kinahaharap ng kaniyang komunidad.
Sinabi ni Robredo na sa inisyatibong ito ay napukaw ang bayanihan spirit at nagbigay inspirasyon sa iba pa na gawin ang ganitong pagtulong.
Aniya ang mga magsasaka mula sa Tarlac ay nagpasya ring mag-donate sa community pantry ni Non.
Ayon kay Non, hindi niya inaasahang magba-viral ang kaniyang inisyatibo at magsilbing insipirasyon sa iba pang community pantries.
Gusto lamang nila na makatulong sa mga nangangailangan ngayong pandemya lalo na at maraming lugar sa bansa ang naka-lockdown at marami ang nawalan ng kabuhayan.
Ang pagkakaroon ng community pantries na kagaya sa kanya ay nagpapakita lamang na mayroong mga pagkukulang.
Hinihikayat ni Non ang publiko na magtayo ng sariling grocery stand bilang paraan na rin ng pagtulong sa iba pa.
Naniniwala si Non na ang community pantry ay hakbang tungo sa pagkakaisa.