Noong Oktubre 13, 2025, bandang 9:45 ng gabi, iniulat ng isang 24-anyos na babae sa San Carlos City Police Station ang natanggap na banta sa pamamagitan ng mensahe sa Facebook Messenger.
Ang mensahe ay naglalaman ng screenshot mula sa isang Grade 9 na estudyante na nagsasabing may nakatanim na bomba sa loob ng Our Lady of Grace School sa Brgy. Manzon, San Carlos City.
Ayon sa mensahe, maaaring sumabog ang bomba anumang oras kinabukasan, kalakip ang pagbabanta na “walang makakaligtas.”
Agad na nagsagawa ng koordinasyon ang mga tauhan ng San Carlos CPS sa EOD team, na nagsagawa ng paneling at masusing paghahanap sa nasabing paaralan mula 10:50 PM hanggang 11:33 PM.
Idineklara namang “clear” ang lugar matapos ang operasyon. Walang natagpuang pampasabog, at sinigurado ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid ng paaralan habang isinasagawa ang inspeksyon.
Samantala, noong Oktubre 13, 2025, bandang 11:30 ng umaga, nakatanggap ng ulat ang Mangaldan Police Station mula sa isang 51-anyos na babae ukol sa natanggap niyang mensahe sa pamamagitan ng Facebook private message.
Ayon sa ulat, ipinadala umano ng isang indibidwal ang mensahe na nagsasaad na may mga bomba umanong itinanim sa loob ng Mangaldan Integrated School SPED Center sa Brgy. Bantayan, Mangaldan.
Agad na nagsagawa ng mga hakbang ang pulisya kabilang ang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan, BFP, MDRRMO, RHU staff para sa posibleng evacuation at medikal na responde, at sa 4th District EOD/K9 Unit para sa paneling.
Nagbigay rin ng seguridad ang mga pulisya habang isinasagawa ang inspeksyon, at nakipag-ugnayan sa RACU 1 kaugnay sa preservation at posibleng pag-take down ng Facebook account na ginamit sa pagpapadala ng banta. Sa kasalukuyan, isinasagawa pa rin ang paneling sa paaralan.
Sa parehong insidente, walang natagpuang eksplosibo o pampasabog. Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng mga banta at ang mga posibleng may kagagawan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









