Magkakaibang datos sa mga Pogo employees, nakwestyon sa Kamara

Kinuwestyon ngayon ni Cavite Representative Elpidio Barzaga ang iba-ibang datos na hawak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Bureau of Immigration (BI) at Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa bilang ng mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Games and Amusements, napagalaman na ang BI ay mayroong 44,768 POGO workers sa bansa na nabigyan ng visa at permit to work ng anim na buwan habang ang DOLE naman ay mayroong inisyuhan na alien employment permits sa 86,537 POGO workers.

Samantala, ang PAGCOR ay may naitalang 92,897 foreign POGO employees base sa mga service providers na kumuha sa kanila ng lisensya.


Hiniling ni Barzaga na i-justify ng tatlong ahensya ng gobyerno ang pagkakaiba ng bilang ng kanilang mga POGO workers.

Sinita naman ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang seryosong problema sa POGO na kinasangkutan na ng money laundering, loan sharking, illegal immigration, human trafficking at iba pang krimen na may kinalaman sa mga POGO workers.

Facebook Comments